Pagkatapos umapir sa Willing-Willie
ERIK SANTOS PALALAYASIN SA DOS?
Cristy Fermin
First Posted 07:30:00 11/26/2010
PAGKATAPOS nang halos dalawang taon ay ngayon lang uli kami nakapag-bonding ng magaling na singer na si Erik Santos. Puro texting lang ang ginagawa namin, nagbabalitaan kami tungkol sa mga nagaganap sa aming buhay, pero hanggang du’n lang ‘yun.
Nu’ng Hulyo sa selebrasyon ng aming kaarawan ay hindi nakalimot si Erik, kumanta pa nga siya sa Zirkoh bilang regalo sa amin, pero hindi kami nagkaroon nang sapat na pagkakataong makapagkuwentuhan nang matagal dahil sa pagdadatingan ng mga bisitang kailangan naming asikasuhin.
Nu’ng Lunes ay sinabi ng aming supervisor sa Radyo Singko 92.3 News FM na si Cherry Bayle na darating daw si Erik Santos para mag-promote ng kanyang Christmas album, puwede raw ba, marespetong tanong ng aming ksamahan sa radyo.
Isang-isa lang ang sinabi namin sa kanya, anumang oras ay bukas ang pintuan ng “Cristy Ferminute” para kay Erik Santos, dahil bukod sa anak-anakan na namin ang magaling na balladeer ay miss na miss na namin siya.
At nu’ng Miyerkules nga ay dumating sa aming programa ang isa sa may pinakamakinis na boses sa mundo ng musikang Pinoy kasama ang kanyang handler mula sa Star Records, napakaguwapo at makinis na makinis pa rin si Erik, kasing-flawless ng kanyang boses na naghatid sa kanya sa tagumpay.
Kinanta niya ang kanyang carrier single mula sa Christmas album, ang “Sana Ngayong Pasko” na unang kinanta ni Ariel Rivera, pero marami pang ibang kanta du’n na si Jim Brickman naman ang naglapat ng lyrics at himig.
Bago kumanta si Erik ay nauwi muna ang aming kuwentuhan sa halos tatlong linggong pagsasama namin sa Canada, miss na miss na ni Erik ang ganu’ng raket, dahil ‘yun ang trabahong parang hindi naging trabaho para sa kanila ni Toni Gonzaga dahil napakasaya ng aming grupo.
“Nanay, mag-book na tayo uli ng show sa Canada, super-enjoy kasi kami du’n ni Toni, balik na tayo uli du’n, please,” hiling sa amin ng magaling na singer.
Siguro’y miss na miss na niya ang kabaitan ng mga kababayan natin sa Winnipeg, Edmonton, Toronto, Saskatoon at Vancouver, nakaka-miss naman kasi talaga ‘yun, sana nga’y makabalik uli kami sa Canada sa susunod na taon.
Pagkatapos namin sa radyo ay niyaya namin si Erik Santos sa studio ng Willing Willie, naisip lang namin, sa lakas ngayon ng programa ni Willie Revillame sa TV5 ay napakagandang lugar nu’n para sa promosyon ng kanyang Christmas album.
Hindi naman siya kailangang kumanta nang buo, kahit kapiraso lang ay puwede na, ang mahalaga ay ang makapag-promote siya ng kanyang bagong album sa nangungunang primetime game show ngayon.
Nagulat si Willie nang magkita sila ni Erik, ipinaliwanag agad namin kay Willie na naging guest namin siya sa radyo, ‘yun lang at maya-maya ay magkakatabi na kami nina Mayor Joey Marquez (na isang magaling nang kompositor ngayon bilang isang libangan lang) at Gerald Santos (na regular naming kasama sa programa) sa isang bahagi ng studio.
Todo-todo ang ibinigay na promo sa kanya ni Willie nang hilahin siya nito para bumati at magbigay nang ilang linya mula sa “Sana Ngayong Pasko”, mainit na tinanggap si Erik ng studio audience, binanggit pa ni Willie sa ere na mula sa Star Records si Erik at regular na napapanood sa ASAP.
Napakagandang promo na umani agad nang sunod-sunod na text mula sa aming mga kaibigan, hindi raw kaya mabigyan ng memo si Erik Santos sa pagdalaw niya sa Willing Willie, baka raw malagay sa alanganin ang singer nang dahil du’n.
Positibo kaming hindi naman siguro, dahil ang ginawa pa nga ni Willie ay pagtulong kay Erik, trabaho lang naman ‘yun at walang personalan. Nakakaawa naman ang mga personalidad kung puro pagpepersonalan ang paiiralin ng mga networks, liliit ang kanilang mundo, samantalang kung tutuusi’y puwede naman silang magkatulungan.
Sa totoo lang.
http://www.bandera.ph/showbiz/showbiz/view…-Willing-Willie